Sunday, 12 August 2012

Mga Misteryo ng Rosaryo

Mga Misteryo ng Rosaryo

Mga Misteryo ng Tuwa - (Tuwing Lunes at Sabado)

1. Ang Pagbabalita ng Anghel sa Mahal na Birhen

Sinabi ng Anghel kay Maria:
"Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus"...
Sinabi naman ni Maria:
"Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi"
(Lucas 1:26-38)

 

2. Ang Pagdalaw ng Birheng Maria kay Elizabeth

Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikas ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi:
"Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon"
(Lucas 1:39-45)

 

3. Ang Kapanganakan ni Jesus

Habang naroon sila, dumating ang sandali ng panganganak ni Maria. At nagsilang siya ng isang lalaki na kanyang panganay. Binalot ito ng lampin at inihiga sa sabsaban-- dahil walang lugar para sa kanila sa bahay.
(Lucas 2:1-20)

 

4. Ang Paghahandog kay Jesus sa Templo

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon-- tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon:
Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon.
(Lucas 2:22-38)

 

5. Ang Pagkakatagpo kay Jesus sa Templo ng Jerusalem

At sinabi ni Jesus sa kanila:
"At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?"
Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
(Lucas 2:41-50)

Mga Misteryo ng Hapis - (Tuwing Martes at Biyernes)
1. Ang Paghihirap ng Panginoon sa Halamanan ng Getsemane
Umalis siya uli para manalangin nang makalawa at sinabi:
"Ama, kung hindi ito lalampas at kailangan kong inumin, ang kalooban mo ang matupad."
(Mateo 26:36-42)

 

2. Ang Paghagupit kay Jesus na Nakagapos sa Haliging Bato

Sa hangad ni Pilatong bigyang kasiyahan ang bayan, pinakawalan niya si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus.
(Marcos 15:1-16)

 

3. Ang Pagpuputong ng Koronang Tinik kay Jesus

At pumilipit sila ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at inilagay ang isang patpat sa kanyang kanang kamay. At saka sila lumuhod sa harap ni Jesus at nilibak sila sa pagsasabing:
"Mabuhay ang Hari ng mga Judio!"
Dinuraan nila siya, kinuha ang patpat sa kanyang kamay at inihampas ito sa kanyang ulo.
(Mateo 27:27-31)

 

4. Ang Pagpasan ng Krus

Kaya noo'y ipinaubaya siya ni Pilato sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si Jesus. Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas tungo sa lugar na kung tawagi'y Pook ng Bungo, na sa Hebreo'y Golgotha.
(Juan 19:16-22)

 

5. Ang Pagkapako at Pagkamatay ni Jesus sa Krus

Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya:
"Natupad na!"
At pagkayuko ng ulo'y ibinigay ang Espiritu.
(Juan 19:23-30)

Mga Misteryo ng Luwalhati - (Tuwing Miyerkules at Linggo)

1. Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo

Sinabi ng Anghel sa mga babae:
"Huwag kayong matakot, alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito; binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya."
(Mateo 28:1-10)

 

2. Ang Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Jesukristo

At lumabas sila ni Jesus hanggang sa may Betania, at itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan sila. At habang binabasbasan niya sila, humiwalay sila sa kanila at dinala sa langit.
(Lucas 24:44-53)

 

3. Ang Pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga Apostol

Napuspos silang lahat sa Espiritu Santo at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ipinagkaloob ng Espiritu na salitain ng bawat isa.
(Gawa 2:1-13)

 

4. Ang Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen

May lumitaw na dakilang tanda sa langit:
isang babaeng nadaramtan ng araw; nasa ilalim ng kanyang mga paa ang buwan, at korona naman sa kanyang ulo ang labindalawang bituin.
(Pahayag 12:1-6)

 

5. Ang Pagpuputong ng Korona sa Mahal na Birhen

Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang pangalan...
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala.
(Lucas 1:46-55)

Mga Misteryo ng Liwanag - (Tuwing Huwebes)

1. Ang Pagbibinyag kay Kristo

Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig. At agad na nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at papunta sa kanya. Narinig kasabay nito ang boses mula sa langit na nagsabi:
"Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang."
(Mateo 3:13-17)

 

2. Ang Kasalan sa Cana

Ito ang simula ng mga tanda ni Jesus. Ginawa niya ito sa Kana ng Galilea at ibinunyag ang kanyang luwalhati, at nanalig sa kanya ang kanyang mga alagad.
(Juan 2:1-11)

 

3. Ang Pagpapahayag ng Paghahari ng Diyos

Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing,
"Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit."
(Marcos 1:14-15)

 

4. Ang Pagbabagong-anyo ni Kristo

At kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa...
At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito:
"Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya."
(Marcos 9:2-10)

 

5. Ang Pagtatatag ng Eukaristiya

Habang sila'y kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay, at matapos magpuri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at ibinigay sa mga alagad habang sinasabing,
"Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan."
Pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila habang sinasabi:
"Inumin ninyong lahat ito sapagkat ito ang aking dugo, ang Dugo ng Tipan, na ibinubuhos para sa marami, para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan."
(Mateo 26:17-35)

No comments:

Post a Comment